Pagkagising ko sa umaga, ang hirap idilat ng mga mata ko. Parang gusto ko na lang ipikit yung mga mata ko buong araw. Pag nabuksan ko na yung mga mata ko, hindi naman ako makagalaw. Sa malayo nakatingin, di malaman kung anong gustong gawin. Kayakap ko ang mga unan, hinahaplos ang mga himulmul sa mga damit ng mga 'to. Ang kama ko nama'y mainit kaya ang hirap akong bumangon. Kapag naayos ko na yung kama ko, ang hirap naman gumalaw, pero kailangan kasi gusto kong pagsilbihan ang pamilya ko, kahit sa mga simpleng bagay. Pagmamaneho talaga ang pinakahihiligan ko sa mga bagay na ginagawa ko araw-araw. Kapag nagmamaneho ako wala akong naiisip kundi magmaneho, parang pag naglalaro ako ng basketball. Pero di naman ako naglalaro ng basketball araw-araw kaya ito ang pamalit ko sa basketball. Masaya akong nakikinig sa radyo, iba-ibang kanta na sumikat sa iba't ibang panahon. Masayang kumain, lalo na pag luto ng nanay ko. Ewan ko masarap lang sya, di ko maintindihan kasi mas masarap naman magluto yung nanay ng kaibigan ko. Iba talaga ang pagkain pag pagmamahal ang sangkap. Pagkatapos naman kumain ay maghuhugas ng pinggan. Masarap maghugas ng pinggan, Gusto ko yung init ng tubig na dumadaloy sa kamay ko. Siguro yun lang talaga ang gusto ko. Yung init. Ayaw naman ng mga tao ng malamig talaga, lalo na yung lamig na nararamdaman mo pag mag-isa ka. Para sakin, may dalawang tipo ng mag-isa, mayroon yung mag-isa ka sa katawan at meron yung mag-isa ka sa puso. Sa tingin ko di pwedeng sabay mangyari sa isang tao yan. Pag nanonood ako ng telebisyon, nagiging interisante ako. Minsan kahit mababaw, binibigyan ka nilang halimbawa kung ano ka dapat sa pangunahing mga bagay sa buhay ng tao. Sa pamilya, kaibigan at sa mga taong importante sa'yo. Ang pinakagusto ko sa mga pinapakita nilaay yung konsepto ng pag-ibig. Minsan pinaglalaruan tayo ng tadhana, pero kahit anong mangyari, kahit marami mang tututol sakin, pag mahal mo, mahal mo. Ganun kasimple yun. Hindi man magiging perpekto ang kahit anong pag-ibig, ang kahit anong pag-ibig ay perpekto para sa ating mga tao. Magsisipilyo ako bago matulog. Dahil masarap kumain, aalagaan ko ang aking mga ngipin pati na rin ang aking mga gilagid. Ayokong sumasakit ang mga ito habang kumakain ako at kapag sumasakit ang mga ito habang kumakain ako, mahihirapan akong kumain at di ko magagawa yung gusto ko talaga. Sa pagtatapos ng araw ko, ito lang naman talaga ang inaabangan ko sa simula ng araw ko, ang matulog. Yung kama ko, yung mga unan. Kasi gusto kong tumakas. Gusto kong tumakas sa mga panaginip ko. Gusto kong tumakas sa lungkot ko. Gusto kong tumakas sa lungkot.